Martes, Agosto 25, 2015

PANIMULA/KALIGIRAN

Karaniwan sa mga Pilipino ang humanga sa mga kapwa Pilipinong bihasa sa paggamit ng wikang banyaga ngunit hindi ba mas kahanga-hanga kung ang isang Pilipino sa kasalukuyang panahon ay talagang magaling gumamit maging ng mga malalalim na termino sa katutubong panahon. Ang pag-unlad ng bansang Pilipinas ay nakasalalay sa mga mamamayan nito.

MUNGKAHING TITULO O PANGALAN NG GAWAIN

Ang adbokasiyang: Wikang Filipino Sa Mundo ng Komersyo ay tutugon sa lumalaganap na pagtatayo ng mga negosyo na pawang may impluwensya ng negosyo at wikang banyaga o mula sa ibang bansa. Dito mabibigyang-pansin ng mga Pilipinong mamumuhunan ang pagpapangalan ng mga negosyo sa wikang Filipino. Bukod dito, mapapanatili at mananaig ang wikang Filipino kahit sa kasalukuyang modernong panahon.

RASYUNAL, MITHIIN AT MGA LAYUNIN

Sa patuloy ng paglawak ng Ekonomiya ng bansa, marami na ang mga negosyo at mga establishimento ang patuloy na lumalago dahil sa suportang ibinigay ng ating mga kababayan. Marami sa mga negosyong ito ay pagmamay-ari ng mga banyagang mamumuhunan na nagdudulot ng malimit na paggamit ng banyagang wika. Dahil dito, unti-unti nang nakakalimutan o naiisantabi ang paggamit ng ating pambansang salita. Halimbawa na lamang ang paghahanap ng trabaho, Wikang Ingles ang siyang ginagamit sa tuwing humaharap at sumasagot sa mga interbyu ng kumpanya. Nagkakaroon din ng hindi pagkakapantay pantay sa mga taong kuwalipikado at sa hindi.
Maipakita at maipaalam sa mga mambabasa ang kahalagahan ng gamit ng wikang Filipino sa tuwing tayo ay nagtatrabaho dito sa Pilipinas. Maipahayag din na ang Wikang Filipino ay may ginaganapang malaking tungkulin sa ating pang araw-araw nating pamumuhay, kung kaya’t ito ay nararapat na gamitin maging sa mga malalaking kumpanya na pinagtatrabahuhan ng mga kapwa nating Pilipino.
Layunin ng mga mag-aaral na maiparating sa mga mambabasa ang dapat na kataysan ng Wikang Filipino sa bansa. Bukod dito, ang kumbinsihin ang mga pagawaan, pabrika at iba pang mamumuhunang Pilipino na ang Wikang Filipino ang pinakinam na lenggwaheng maaaring gamitin sa pakikipagnegosyo. At higit sa lahat, patuloy na mapagyaman ang Wikang Filipino sa kasalukuyang mundo ng komersyo sa bansa.

BENEPISYO AT INAASAHANG RESULTA

Sa pag-aakalang ang pagsabay sa progresyon ng mga karatig-bansa ang solusyon ng ilang Pilipino ay maituturing na hindi makatotohanan dahil aminado ang mga mag-aaral na ang bansa ay miyembro ng 3rd world countries. Karamihan ay pinag-aralan ngunit hindi ganoon ka-advanced ang kaalaman. Sa pamamagitan ng pagpapayaman ng paggamit ng  Wikang Filipino, mas mapapadali para sa mga Pilipino ang paghahanap at pagkakaroon ng sariling trabaho. Bukod dito, sa pag-iinvest sa mga negosyo , mas magiging palakaibigan at magiliw ang pakikipagnegosyo kung ang sariling wika ang gagamitin. Sa ganitong paraan ng pagkakaintindihan, mas malalim na pagkakaibigan ang mabubuo sa mga magkakasapi sa negosyo.